Iginiit nina Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri at Senator Imee Marcos sa National Task Force on COVID-19 o NTF na gawing patas ang pamamahagi ng COVID-19 vaccine sa mga Local Government Units (LGUs).
Hiling ni Zubiri kay NTF Chief Implementer at Vaccine Czar Carlito Galvez Jr., wala dapat favoritism sa distribusyon ng bakuna na inaasahang bubuhos ang delivery sa bansa ngayong Setyembre at sa ikaapat na quarter ng taon.
Diin naman ni Senator Marcos, dumadaing na ang mga probinsya dahil sa kawalan ng vaccine equity.
Ipinunto ni Marcos na kahit matindi ang impeksyon dito sa National Capital Region (NCR) ay dapat ding tutukan ang ibang mga lugar kung saan lumalala ang kaso ng COVID-19.
Pangunahing binanggit ni Marcos ang mga lugar na halos walang kakayahan ang maliliit na provincial hospital na rumeresponde sa dumadaming nahahawaan ng virus tulad sa Tuguegarao, Cagayan de Oro, Zamboanga City, Laoag, atbp.
Nagtataka rin si Marcos kung bakit sa Region 7 o Cebu ay kakarampot lang ang vaccine na pinadala, gayong lampas pa sa kamaynilaan ang dami ng naitatalang mga kaso ng COVID-19 doon.
Nauna ng iginiit nina Marcos at Zubiri na malaki ang maitutulong sa pagdami ng suplay ng bakuna sa bansa kung magiging madali sa mga LGUs at pribadong sektor ang pagbili ng COVID-19 vaccine.