Patas na distribusyon ng COVID-19 vaccines, hiniling ng isang kongresista para maibsan ang inflation sa bansa

Hinimok ni House Committee on Ways and Means Chairman Joey Salceda ang pamahalaan na tiyakin ang patas na distribusyon ng bakuna sa iba’t ibang rehiyon sa bansa upang maibsan ang pagtaas ng inflation.

 

Ang paghihimok ni Salceda para sa patas na distribusyon ng COVID-19 vaccines ay bunsod ng mataas na inflation sa mga lugar sa labas ng National Capital Region (NCR) na nasa 4.3% habang ang Metro Manila ay nasa 3.2%.

 

Punto ng kongresista, dahil mataas ang vaccination rate sa Metro Manila ay mas nagiging matatag ang suplay rito kumpara sa ibang lugar.


 

Ayon kay Salceda, kinakitaan ng kaugnayan ang matatag na presyo at suplay sa antas o dami ng bakunang ibinibigay sa isang lugar.

 

Dahil mas maraming bakuna ay mas nabubuksan ang ekonomiya at natitiyak ang “free flow” ng mga produkto at serbisyo na nagiging hudyat sa muling pagbangon ng ekonomiya.

 

Pinaghahanda rin ni Salceda ang national government sa mas malalakas na bagyo na maaaring tumama sa bansa mula Setyembre hanggang Nobyembre upang matiyak ang availability ng mura at sapat na suplay ng pagkain na mahalaga para sa pagtukoy ng matatag na presyo ng mga bilihin at serbisyo.

Facebook Comments