Tiniyak ng Malakanyang ang mahigpit na pagbabantay sa anumang banta sa seguridad ng bansa.
Kasunod ito nang naganap na madugong operasyon sa Southern Luzon na ikinasawi ng siyam na aktibista at ikinasugat ng anim na iba pa.
Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, obligasyon na ng gobyerno na kapag may naganap na krimen ay agad itong iimbestigahan.
Tiniyak naman nito na mapapanagot ang sinumang nagkasala sa nangyari at mabibigyang-hustisya ang mga nasawi.
Kasabay nito, tiniyak ni Department of Justice (DOJ) Sec. Menardo Guevarra na bubusisiin na ng binuong Inter-Agency Task Force on Extrajudicial Killings ang naganap na operasyon.
Kung mapapatunayan aniya na mga aktibista ang involved na may mga adbokasiya, mapapasama ang mga ito sa gagawing hurisdiksyon.
Nabatid na ilan sa mga lider ng aktibistang nasawi ay sina;
Manny Asuncion, Coordinator ng Bayan Cavite sa Workers’ Assistance Center sa Dasmariñas, Cavite
Lider ng mga Mangingisda na si Chai Lemita-Evangelista at Ariel Evangelista sa Nasugbu, Batangas
At sina Melvin Dasigao at Mark Lee Coros Bacasno ng urban group na Sikkad na nakabase sa Montalban, Rizal province
Sa ngayon, maliban sa DOJ tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na lehitimo ang ikinasang regionwide police operations sa Calabarzon (Cavite-Laguna-Batangas-Rizal-Quezon).
Matatandaang una nang sinabi ng PNP-Calabarzon na nagsagawa sila ng malawakang pagsilbi ng search warrants kasama ang PNP Regional Office, Criminal Investigation and Detection Group, Philippine Army at Special Action Force, laban sa mga terorista sa Cavite, Laguna, Batangas at Rizal.