Patas na imbestigasyon sa war on drugs, tiniyak ng Senado

Tiniyak ni Senate President Chiz Escudero na makakaasa ang taumbayan ng isang patas na imbestigasyon ng Senado tungkol sa war on drugs ng dating Duterte administration.

Paliwanag ni Escudero, ito ang dahilan kaya si Senate Minority Leader Koko Pimentel ang kinuha niyang mamuno sa Senate Blue Ribbon Committee na magsasagawa ng motu proprio hearing upang matiyak na magiging patas ang imbestigasyon.

Makikita aniya ito ng mga manunuod na siyang huhusga sa magiging takbo ng pagdinig sa susunod na linggo.


Sinabi rin ni Escudero na pagkakataon ito sa parte ng mga senador, reelectionist man o hindi tatakbo sa halalan, na kumbinsihin ang publiko sa kung ano man ang kanilang mga ilalaban na pananaw sa gagawing imbestigasyon.

Dagdag pa ng mambabatas, ginawa nila ang imbestigasyon ngayong naka-recess dahil magiging sobrang abala ang Senado sa budget deliberation sa pagbabalik sesyon at para hindi rin sila maakusahang hindi nagsagawa ng pagdinig.

Facebook Comments