Iginiit ng isang ekonomista na dapat maipatutupad nang maayos ang bagong amyendang Public Service Act na naglalayong magbigay ng 100% foreign ownership sa public services.
Sinabi ito ni Pamantasan ng Lungsod ng Maynila President at Economist na si Professor Emmanuel Leyco sa panayam ng RMN Manila kaugnay sa epekto nito sa ekonomiya ng bansa.
Ayon kay Leyco, bagama’t makapagbibigay ito ng maraming trabaho sa mga pilipino ay magiging problema rito ang fair competition sa pagitan ng local at foreign investors.
Paliwanag ng ekonomista, binibili kasi kaagad ng mga local companies ang mga umuusbong nitong foreign competitors kaya hinimok ni Leyco na pag-aralan kung bakit nabubuwal kaagad ang fair competition sa bansa partikular sa internet service providers.
Samantala, binigyang-diin ni Senator Grace Poe na main author at sponsor ng naturang panukala na mananatiling sagrado ang mga inilagay nilang safeguards dito upang hindi ito maabuso.
Mababatid na sinabi ni Trade Secretary Ramon Lopez na makakalikom ang gobyerno ng aabot sa 60 hanggang 100 bilyong dolyar na halaga ng investments sa susunod na dalawang taon dahil sa pagpirma ni Pangulong Rodrigo Duterte sa amended Public Service Act.