
Inihayag ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na ang pangunahing hamon ng kanilang ahensya ngayong 2026 ay ang pagpapanatili ng patas na presyo ng palay, pagpapabilis sa pagpapagawa ng farm-to-market roads, at pagpapalawak ng P20 na bigas.
Ayon sa kalihim, mahalaga ang mga ito upang mapanatili ang produksyon ng bigas, mapanatiling abot-kaya at mapahusay ang market access para sa mga magsasaka.
Sa pagpapanatili ng patas na presyo ng palay at pagsuporta sa mga lokal na magsasaka, magpapatuloy pa rin ang pagbili ng Department of Agriculture (DA) sa National Food Authority (NFA) sa darating na anihan sa tag-araw sa presyong P17 para sa basang palay at P21 pesos naman sa tuyo.
Samantala, ayon pa rin Agriculture Department na sa pagpapalawak naman ng 20 pesos na bigas, kinakailangan ng sapat na imbak ng supply, episyenteng logistics, at mahigpit na koordinasyon sa mga LGUs upang maiwasan ang pagkaantala sa mga supply at mga butas upang makamit ang target na 15 milyong pamilya o 60 milyong mga Pilipino na makabili ng murang bigas.
Giit ng kalihim na handa sila sa pagpapalawig pero madaling aniya sabihin kaysa sa gawin.
Pagdating naman sa farm-to-market road ay araw-araw nakikipagpulong ang DA upang paghandaan ang implementasyon dahil sa mahigpit na timeline.
Sinabi ng kalihim na ito ang kanilang tunay na hamon dahil magsisimula aniya ang kagawaran mula zero hanggang sa one hundred.
Aniya, nais ng DA na magawa ito ng maayos, transparent, walang katiwalian, at gagawin ang proyekto sa tamang pamantayan ng kalidad at katatagan.
Kumpiyansa ang kalihim na magagawa nito ang proyekto ng 20 percent na mas mababa kumpara noong nakaraang taon at palawigin ang access sa merkado sa mas maraming taniman sa buong bansa.










