Patay dahil sa sama ng panahon sa Mindanao, sumampa na sa 10

Muling nadagdagan ang bilang ng mga naitalang nasawi dahil sa nararanasang sama ng panahon bunsod ng Intertropical Convergence Zone (ITCZ) sa Mindanao.

Ayon kay Office of Civil Defense (OCD) Administrator Undersecretary Ariel Nepomuceno, sampu na ang namatay dahil sa pagkalunod.

Aniya, ang mga ito ay mula sa Zamboanga del Sur, Lanao del Norte, Misamis Oriental, Davao Occidental, Sarangani, Cotabato at Sultan Kudarat.

Apat naman ang naitalang nasaktan na pawang mga taga-Kumalarang, Zamboanga del Sur.

Sa pinakahuling datos ng Office of Civil Defense, lumobo pa sa 72,550 na pamilya o katumbas ng mahigit 352,000 mga indibidwal ang apektado mula sa 196 na brgys sa Regions 9, 10, 11, 12 at BARMM.

Sa nasabing bilang, mahigit 8,000 katao ang pansamantalang nanunuluyan sa 12 evacuation centers.

Nauna nang isinailalim sa State of Calamity ang buong lalawigan ng Maguindanao del Sur at dalawang siyudad at munisipalidad ng Region 9 at BARMM.

Facebook Comments