Umabot na sa 12 ang nasawi sa nangyaring dalawang pagsabog sa Jolo, Sulu kaninang tanghali.
Ito ang kinumpirma ni 11th Infantry Division Spokesperson Lt. Col. Rolando Mateo.
Aniya, ang mga nasawi sa mga pagsabog ay 7 sundalo, isang suicide bomber at 4 na sibilyan habang 19 na sundalo, 9 sibilyan at anim na pulis naman ang nasugatan.
Samantala sinabi naman ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Spokesperson Major General Edgard Arevalo na nananatiling naka- high alert ang tropa ng 11th Infantry Division ng Philippine Army na nakakasakop sa Sulu matapos ang mga pagsabog.
Payo naman ng militar sa publiko manatiling kalmado pero maging mapagmatyag at ipagbigay alam agad sa mga awtoridad ang mga kahina-hinalang bagay o tao para agad na marespondehan.
Sinabi naman ni Philippine National Police (PNP) Spokesperson Brigadier General Bernard Banac, na iniutos na ni PNP Chief General Archie Gamboa sa Regional Director ng PNP Bangsamoro Automous Region na i-secure ang mga area nang pagsabog at magsagawa nang mas mabilis na imbestigasyon para matukoy ang mga salarin.
Hinala naman ng militar maaring kagagawan ng Abu Sayyaf Group ang mga pagsabog.