Patay sa Easter attacks sa Sri Lanka, umabot na sa mahigit 200

Umabot na sa 207 ang patay habang hindi bababa sa 450 ang sugatan sa walong magkakasunod na pagsabog sa Sri Lanka kasabay ng pagdiriwang ng Easter Sunday kahapon.

Tatlong simbahan, apat na hotel at isang bahay ang pinasabog na itinuturing na pinakaunang major attack sa Indian Ocean Island mula nang magwakas ang civil war noong isang dekada.

Kabilang sa mga nasawi sa pagsabog ang 30 dayuhan na taga-India, Turkey, China, Amerika at Britanya.


Pito na ang inaresto na pinaniniwalaang mga suicide bombers.

Naka-lockdown na rin ang aabot sa 21 milyong residente sa Colombo at ipinagbawal ang access sa social media at messaging sites, kabilang ang Facebook at Whatsapp.

Sa National Security Council, natuklasan ni Sri Lankan Prime Minister Ranil Wickremensinghe na may kumakalat nang babala, isang linggo bago ang pag-atake pero hindi ito ipinagbigay alam sa kanya.

Nagpaabot na ng pagkondena at pakikiramay ang ilang world leaders habang nanawagan si Pope Francis ng pagkakaisa sa buong Christian community at ipinalangin ang lahat ng biktima ng karumal-dumal na pag-atake.

Facebook Comments