Umakyat na sa 22 ang mga nasawi matapos ang pananalasa ng Super Typhoon Rolly sa bansa.
Batay sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), nasa 165 naman ang naitalang sugatan habang tatlo pa ang nawawala.
Ang naturang mga nasawi ay mula sa Bicol Region, CALABARZON, at MIMAROPA.
Tinatayang 128 lugar at munisipalidad pa sa Region 5, 8, CALABARZON, at MIMAROPA ang nakararanas pa rin ng power interruption.
Nananatili pa rin ang 44,500 na pamilya o mahigit 171,000 indibidwal sa mga evacuation center matapos masira ang kanilang tahanan.
Umabot naman sa 53,747 na mga bahay ang napinsala ng bagyo kung saan 12,659 rito ang totally damaged habang 41,088 ang partially damaged.
Pumalo naman sa mahigit P11 bilyon ang napinsala sa imprastraktura sa Regions 1, 2, 3, 4-A, 4-B, 5, 8, Cordillera Administrative Region (CAR) at National Capital Region (NCR).
Pinakamatinding napinsala sa imprastraktura ang Region 5 na umabot sa mahigit P9.8 billion habang sa MIMAROPA ay umabot sa mahigit P1 bilyon.
Mahigit P2.9 billion naman ang napinsala ng bagyong Rolly sa agrikultura.
Ang Region 5 ang nagtamo ng pinakamatinding pinsala sa mga pananim na nasa mahigit P2.3 billion habang may kabuuang 65,897 na ektarya ng agricultural land ang naapektuhan ng bagyo.