Nahaharap sa kasong kriminal ang dalawang barangay chairman sa Maynila matapos ireklamo ng pangungurakot; isa sa kanila ay nagbigay pa ng ayuda sa residente na pumanaw na.
Ayon kay Special Mayor’s Reaction Team (SMaRT) Chief P/Maj. Rosalino Ibay Jr., sasampahan ng kasong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act at Bayanihan to Heal as One Act ang dalawang hindi pinangalanang opisyal.
Inireklamo ang unang punong barangay sa hindi umano pagsunod sa utos ni Manila Mayor Isko Moreno na bibigyan ang bawat pamilya ng P1,000 mula sa City Amelioration Crisis Assistance Fund (CACAF) at isang relief pack.
Napaulat na may ilang pamilya na binigyan ng cash, ngunit hindi inabutan ng relief pack, habang ang ilan naman ay nabigyan ng relief pack kaya hindi na raw binigyan ng pera.
Nabisto naman ang pangalawang chairman na naglista umano ng 31 pangalan sa CACAF, ngunit 18 dito ay “double entry”, dalawang “trile entry”, pitong pineke ang pirma, at dalawang residente na kumpirmadong patay na.
Bukod dito, inireklamo rin ang opisyal na nagbabawas umano ng dalawang lata ng sardinas sa relief goods na para dapat sa kanyang nasasakupan.
Ayon kay Ibay, sakaling mapatunayan, maaaring makulong ang dalawa at magbayad ng multang hindi bababa sa halagang P10,000 hanggang P1 milyon.