Bagama’t patok sa mamimili ang pagbebenta ng murang bigas mula sa National Food Authority, aminado ang ilang miyembro ng Philippine Amalgamated Supermarkets Association Incorporated o PAGASA na hindi ito magtagal.
Ginawang dahilan ni Desmond Chua, ang general manager ng Daily Supermarket na nasa Cubao QC ang mahal na sinisingil sa kanila ng NFA bilang permit.
Sinabi ni Chua na 115,000 pesos kada isang supermarket ang sinisingil sa kanila nang makipag-pulong ang kanilang grupo noon kay NFA Administrator Jayson Aquino.
Aniya hindi ito kakayanin ng kanilang hanay dahil two pesos lamang ang profit margin o ipinapatong na presyo mula sa kuha nila sa NFA na 25-pesos kada kilo.
Bukod aniya sa gastos sa logistics, labor, trucking, gasolina at pahinante ay kailangan pa nilang mag-hire ng anim hanggang sampung repackers na tututok lamang dito mula opening hanggang closing ng isang supermarket.
Sa kauna-unahang pagkakataon ay nakapagbebenta sila ng 30 sako ng bigas kada araw.
Nanghihinayang si Chua kung panandalian lang ang pagbebenta nila ng NFA rice dahil magdudulot sana ito ng malaking tulong sa publiko.