Patong-patong na problema sa edukasyon, dapat tutukang mabuti ng bagong kalihim ng DepEd – Gabriela

Hinamon ng grupong Gabriela si bagong Department of Education (DepEd) Secretary Sonny Angara na tutukang mabuti ang kasalukuyang krisis sa edukasyon.

Sa interview ng RMN Manila, iginiit ni Gabriela Party-list Representative Arlene Brosas na dapat marunong magdesisyon ang bagong kalihim ng DepEd lalo na’t nagpatong-patong na ang mga problema sa ahensya.

“Dapat malinaw po sa kanya na napakalaki ng krisis na hinarap natin lalong-lalo na noong DepEd secretary si VP Sara Duterte. It should be the priority of the DepEd Secretary ‘yung lahat nung mga issues kasi parang nagpatong-patong siya eh, because ‘yung mga policies mali-mali. Hindi talaga pwedeng ganun at hindi pwedeng indecisive ‘yung ating DepEd secretary kaugnay diyan.”


Kaugnay nito, nanawagan si Brosas kay Angara na magbigay ng opinyon sa lalong madaling panahon ukol sa mga gusto niyang baguhin sa sektor ng edukasyon.

Samantala, binatikos naman ni Brosas ang aniya’y kakarampot na P35 na umento sa arawang sahod ng mga minimum wage earner sa Metro Manila.

Aniya, hindi rin nagtutugma ang mga ipinagmamalaking pagbabago ng gobyerno sa ekonomiya kumpara sa sahod na natatanggap ng mga manggagawa sa bansa.

“Ang kahilingan na nga eh at the very least, hundred fifty pesos ‘diba? Para po umagapay sa nakabubuhay na sahod. Kasi ‘yun po talaga ang kailangan ng mga manggagawa natin.”

“Kung pinagmamalaki ngayon ng kasalukuyang administrasyon, na tumaas ang productivity, na nagkaroon ng pagtaas ng GDP, bumaba daw ang kuryente, ang dami nilang pinagmamalaki na nakakatulong daw, pero ang totoo, hindi po siya talaga nagma-match kasi kung talagang nagma-match, maiibigay ‘yung necessary na dagdag na sahod para sa mga manggagawa.”

Facebook Comments