
Itinaas na ng Philippine National Police (PNP) pabuya para sa ikakaaresto ng babaeng sinasabing may malaking papel sa kaso ng pag-kidnap at pagpaslang sa negosyanteng si Anson Que at driver nitong si Armanie Pabilio.
Ayon kay PNP Spokesperson PBGen. Jean Fajardo, ang reward money sa paghahanap kay Gong Wenli alyas Kelly Tan Lim/ Bao Wenli/Axin/Huang Yanling ay itinaas sa P10-M mula sa P5-M.
Nabatid na si alyas Kelly ang ginawang pain upang makumbinsi si Anson Que na pumunta sa isang bahay sa Bulacan, kung saan sila brutal na pinaslang.
Bukod dito, siya rin ang may pakana sa paglipat ng ransom money mula sa isang digital wallet patungo sa cryptocurrency, bahagi ng financial scheme na iniugnay sa krimen.
Sinabi pa ni Fajardo, huling na-monitor si alyas Kelly noong April 21 sa Boracay.
Bukod kay alyas Kelly, pinaghahanap pa ang isang Chinese suspek na si Jonin Lim.









