Patrolya laban sa maritime crimes ngayong holiday season, pinaigting pa ng PCG

Pinaigting pa ng Philippine Coast Guard (PCG) ang kanilang pagpapatrolya laban sa maritime crimes tulad ng sea piracy, theft at robbery sa mga karagatan sa bansa ngayong holiday season.

Ito ay kasunod ng insidente ng robbery o nakawan sa karagatan ng Manila International Container Terminal (MICT) sa Manila Bay Anchorage Area noong November 26.

Batay sa imbestigasyon ng PCG, ninakaw ang mga safety gear at iba pang mahahalagang kagamitan sa barko ng MV G Crown at MV Hansa Colombo.


Dahil dito, inatasan ni PCG Commandant, Coast Guard (CG) Admiral Ronnie Gil Gavan, alinsunod sa direktiba ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista, ang mga district commander sa 15 distrito ng PCG na palakasin ang presensya ng Coast Guard, sa mga pangunahing port terminal, harbors, at karagatan sa buong bansa.

Ayon kay Gavan, tinitiyak nila ang kahandaan ng PCG na tumugon sa anumang insidente na maaaring mangyari kahit pa sa panahon ng holiday break.

Humihingi rin ng kooperasyon ang PCG sa publiko na agad na i-ulat sa kanila ang mga kahina-hinalang aktibidad sa mga port terminal para sa mabilis at naaangkop na mga hakbang sa pagpapatupad ng batas.

Facebook Comments