
Binatikos ng opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang pamahalaan sa umano’y kawalang hustisya sa bansa.
Ayon kay CBCP President Pablo Virgilio Cardinal David, tila nasanay na lang ang mga Pilipino sa pag-abuso ng mga nasa kapangyarihan.
Sinabi ito ng kardinal matapos pumanaw ang isang altar server o sakristan sa Malabon sa kasagsagan ng pagbaha noong mga nakaraang linggo.
Ayon kay David, namatay ang 20 taong gulang na si Dion Angelo dela Rosa dahil sa leptospirosis na kaniyang nakuha matapos paglusong sa baha para hanapin ang ama.
Kalaunan ay napag-alaman na inaresto pala ito dahil sa umano’y paglalaro ng kara y krus pero hindi agad ipinagbigay-alam sa kanila.
Sabi ni David, patuloy na kumokota ang kapulisan sa pag-aresto sa bisa ng lumang batas laban sa sugal, gayong tahimik naman sa talamak na online gambling na sumisira sa buhay ng napakaraming Pilipino.
Kinuwestiyon din ng arsobispo ng Kalookan Diocese ang kalakalaran ng pag-aresto ng walang warrant at kalaunan ay hihikayatin na umamin na lang sa korte para ma-abswelto dahil isang libong piso lamang daw ang multa.
Sa huli, ipinanawagan ni David na ipanalangin ang pamilya ng nasawi at ang bansa upang matigil na ang tinawag niyang pagbaha ng kawalang katarungan at wala nang mapagkaitan ng kinabukasan dahil sa kabalintunaan ng sistemang nagpaparusa sa mahirap at pumoprotekta sa makapangyarihan.









