Manila, Philippines – Naaalarma na si Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio sa patuloy na militarisasyon ng China sa West Philippine Sea.
Kahapon nang lumabas sa isang pahayagan sa China ang paglalagay nito ng ilang rocket launcher sa kagitingan reef na sakop ng 200 nautical miles Exclusive Economic Zone ng Pilipinas.
Ito ay para umano mapigilan ang Vietnamese military combat divers.
Una nang iprinotesta ng Pilipinas ang ginagawang pagsakop ng China sa lugar.
Pero sa kabila ng naipanalong kaso sa arbitral tribunal, halos nakumpleto na ng China ang konstruksyon nito at may airport na rin sa nasabing bahura.
Ang mas nakababahala pa rito ayon kay Carpio, ay ang balak na pagsakop ng China sa Scarborough Shoal na malapit lang sa Zambales at base militar ng Pilipinas.
Kaugnay nito, mahalaga aniyang ‘wag talikuran ng Pilipinas ang matagal nang relasyon sa Estados Unidos.
Aniya, kung ipipilit ng China ang pag-angkin sa mga teritoryo, maaaring kampihan ng Amerika ang Pilipinas.
Dagdag pa ni Carpio, dapat na bantayan ang mga kasunduang papasukin ng bansa kasama ang China kabilang na ang suhestiyon ni dating House Speaker Jose De Venecia para sa isang joint exploration and development sa South China Sea.
Isa kasi sa kondisyon ng China sa mga joint exploration ay ang pagkilala sa sovereign rights nito na taliwas naman sa isinasaad sa konstitusyon ng Pilipinas.
DZXL558