Pinuri ni Bicol Saro Party-list Representative Brian Raymund Yamsuan ang hakbang ng Bureau of Jail Management and Penology o BJMP para patuloy na makapag-aral ang mga bilanggo sa bansa.
Sinabi ito ni Yamsuan matapos mabatid na nitong nakaraang taon ay umabot sa 19,000 na persons deprived of liberty (PDLs) sa iba’t ibang detention facilities sa buong kapuluan ang nagpatuloy ng kanilang elementarya, junior high school, senior high school at kolehiyo.
Sa tulong ito ng partnership ng BJMP sa iba’t ibang private learning institutions, non-government organizations at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).
Diin ni Yamsuan, mahalaga ang edukasyon para matiyak na ang makakalayang mga PDL ay may pagkakataon na ayusin ang kanilang buhay at hindi na muling maliligaw ng landas at bumalik sa kulungan.
Sabi ni Yamsuan, mabisang solusyon din ito para ma-decongest o mapaluwag ang mga kulungan sa buong bansa.