SAN FERNANDO CITY, LA UNION – Patuloy namang naitatala sa hanay ng pulisya sa Police Regional Office 1 ang pagbaba ng aktibong kaso ng COVID-19 sa kanilang hanay hanggang sa kasalukuyan na maituturing na isang magandang balita.
Sa ngayon ay aabot sa 79 ang active cases na nasa iba’t ibang quarantine facilities kung saan ang siyam (9) ay nasa Regional Headquarters Facility, 68 sa mga LGUs at dalawa (2) naman ang admitted sa ospital. Wala din umanong pulis na nagpopositibo ang nag-home quarantine dahil sa ito ay ipinagbabawal.
Sa 79 na active cases ng COVID-19, 5 ang naitala mula sa Regional Headquarters, 6 Ilocos Norte, 25 sa Ilocos Sur, 14 sa La Union at 21 sa Pangasinan.
Naitala rin nila ang apat (4) na nasawi mula sa COVID-19 nito lamang nakaraang buwan.
Ang quarantine facilities ng PNP Region 1 ang siyang una umano nilang ginagamit at pagkatapos nito ay magrerequest sila sa bawat LGUs para doon tapusin ng isang pulis ang kanyang quarantine.
Sinabi naman PCpt. Amethyst Zoilo, Medical Officer ng RMDU 1, na kahit pa may nagpopositibo sa kanilang hanay ay gumagawa sila ng mga paraan para makasabay sa new normal.
Bagama’t naging triple umano ang kanilang trabaho ngayong pandemya ay sinisiguro nilang maayos ang serbisyo.###