Tiwala ang Employers Confederation of the Philippines o ECOP na bababa pa ang bilang ng mga walang trabaho sa Pilipinas sa mga susunod na buwan.
Sa Laging Handa briefing, sinabi ni ECOP President Sergio Ortiz-Luis Jr., na tuloy-tuloy ang hiring ng mga kompanya habang nagluluwag ng restrictions mula sa pandemya.
Malaki rin aniya ang maitutulong ng ginagawa ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na panghihikayat sa mga negosyante na mamuhunan sa bansa dahil ang dagdag na investments ay mangangahulugan ng mas maraming oportunidad para sa mga Pilipino.
Naniniwala si Ortiz na malaking bagay ang ease of doing business sa pagdami ng trabaho.
Iniulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) na naitala sa 4.2 percent ang unemployment noong Nobyembre, pinakamababa simula noong April 2005.
Pero, tumaas ang underemployment sa 14.4 percent o 7.16 million, mas mataas sa 14.2 o 6.67 million noong Oktubre.