Tiniyak ng Mangatarem PNP ang patuloy nitong pagbabantay sa seguridad sa bayan, lalo na para sa mga kabataan at kanilang kapakanan.
Ito ay matapos magbigay-linaw ang pulisya, kasama ang paaralan at barangay, kaugnay sa kumalat na video sa social media kamakailan kung saan sangkot ang ilang kabataan na umano’y nagsusuntukan.
Ayon kay Mangatarem PNP Officer in Charge, PMAJ Arturo Melchor Jr., noong nakaraang taon pa umano kuha ang naturang video.
Nakipag-ugnayan na aniya sila sa paaralan at agad naman itong tinugunan ng pamunuan ng eskwelahan at ng barangay upang maiwasang maulit ang ganitong insidente.
Dagdag pa nito, may mga intervention na isinasagawa para sa mga batang nasasangkot sa kaguluhan kung saan katuwang ang Department of Social Welfare and Development sa paggabay at pagsasagawa ng mga programa para sa kanila.
Iginiit din nito na ipinatutupad pa rin ang curfew para sa mga kabataan kaya mainam na sumunod ang mga ito upang mapanatili ang kapayapaan at kaligtasan sa komunidad lalo na pagsapit ng gabi. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










