Para kay Finance Sec. Benjamin Diokno, magiging pagsasayang sa pera ng taumbayan kung ipagpapatuloy ang pagbibigay ng ayuda na may kaugnayan sa pandemya.
Sagot ito ni Diokono sa tanong ni Kabataan Party-list Rep. Raoul Manuel si Diokno kung ano ang kanyang pananaw hinggil sa pagbibigay pa rin ng ayuda sa mga Pilipino.
Sa budget briefing ng House Committee on Appropriations para sa panukalang 2023 National Budget ay ipinaliwanag ni Diokno na dapat nang ihinto ang ayuda kaugnay sa pandemya dahil “fully recovered” na raw ang bansa at dahil sa limitadong “fiscal space.”
Pero agad nilinaw ni Diokno na dapat magpatuloy ang social protection programs ng Department of Social Welfare and Development gayundin ang tulong sa mga mga senior citizen sa bansa.
Sinabi naman ni Diokno na pinag-aaralan ng gobyerno na limitahan lang sa mga benepisaryo na may National ID ang ayuda na walang koneksyon sa pandemya.
Binanggit ni Diokno na nangako ang Philippine Statistics Authority ng 50-milyong produksyon ng National ID hanggang sa pagtatapos ng kasalukuyang taon.