Iginiit ni Senator Ramon “Bong” Revilla Jr., ang patuloy na pagbibigay proteksyon sa ating soberanya sa gitna ng talumpati at pangunguna nito sa ika-126 taong paggunita sa Araw ng Kalayaan na ginanap sa Aguinaldo Shrine sa Kawit, Cavite.
Ayon kay Revilla, mahalaga ang araw na ito bilang pagpapaalala sa mga kababayan lalo sa mga kabataan sa nakamit na kalayaan ng bansa.
Ngayon aniya na sinusubok muli ng mga dayuhan ang ating soberenya ay kailangang mabuhay muli ang kabayanihan ng bawat isa na handang harapin ang hamon ng mga banta sa natamong kasarinlan.
Samantala, bukod sa pag-alala sa kahalagahan ng Araw ng Kalayaan, iginiit naman ni Senator Christopher Bong Go ang mga malalaking pagsubok na patuloy na hinaharap ng bansa tulad ng kahirapan, kakulangan sa trabaho, kakapusan sa kita, hindi pagkakapantay-pantay, karapatan sa malayang pagpapahayag at marami pang iba.
Dagdag pa anita rito ang banta ng panghihimasok sa ating teritoryo at sakop na mga karagatan.
Sinabi ni Go na mahalaga ang patuloy na paggunita sa nakaraan, patuloy na pakikipaglaban, pagkakaisa at pagbabayanihan upang manatili ang nakamit na kalayaan.