Hiniling ni Committee on Overseas Workers Affairs Chairman at Kabayan Party-list Representative Ron Salo sa mga kinauukulang ahensya ng gobyerno na ipagpatuloy ang paghahanap sa mga nawawalang Overseas Filipino Worker (OFW) matapos ang malakas na lindol na tumama sa Türkiye at Syria nitong February 6.
Ang apela ay ipinaabot ni Salo sa tanggapan ng Department of Foreign Affairs (DFA), Department of Migrant Workers (DMW) at Overseas Filipino Workers Welfare Administration (OWWA).
Ayon kay Salo, kailangang bantayang mabuti ng nabanggit na mga ahensya ang sitwasyon ng mga Pilipino sa Türkiye at Syria upang agad maibigay ang tulong na kakailanganin nila at pa-igtingin din ang pakikipag-ugnayan sa kanilang pamilya rito sa Pilipinas.
Kasabay nito ay nagpahayag ng lungkot at taos-pusong pakikiramay si Salo sa pamilya ng dalawang Pilipino na nasawi sa lindol.
Nananawagan din si Salo sa lahat ng panalangin para maging matatag at malakas ang kalooban ng mamamayan ng Türkiye at Syria na humaharap sa epekto ng isa sa pinakamatinding trahedya na tumama sa kanilang bansa.