Pinuna ni Senator Joel Villanueva ang patuloy na pagkansela ng Professional Regulation Commission (PRC) sa mga licensure examination tulad ng Licensure Exam for Teachers o LET na nakatakda sana sa Setyembre 26,2021.
Paliwanag ni Villanueva, maraming LET takers na ang naghanda, naabala at sumailalim sa 14-day quarantine na bahagi ng requirements ng PRC.
Dismayado si Villanueva na nagiging paasa lang ang PRC sa examinees na hindi lang naman kumukuyakoy na naghihintay sa bahay dahil nagbabayad pa ang mga ito sa mga review centers.
Tinukoy ni Villanueva, hindi pa kasali sa kanilang gastos ang non-refundable P900 application fee sa PRC, at higit sa lahat hindi sila makapag-apply ng trabaho dahil wala silang mga lisensiya.
Binanggit ni Villanueva na mula sa 101 board exams na nakatakdang idaos, 24 lamang ang natuloy.
Ayon kay Villanueva, matagal nang hiniling sa komisyon na ilatag ang malinaw na plano para isagawa ang mga board exam ngayong panahon ng pandemya.
Sabi ni Villanueva, tila “stuck in the past” o napag-iwanan na ng panahon ang komisyon dahil hindi pa rin nito nasunod ang mandato ng PRC Modernization Act of 2000 na nagtakda sa komisyon na gawing “fully computerized” ang pagsusulit.