Patuloy na paglaki ng kita ng NGCP, sinita ng isang senador

Sinita ni Senator Risa Hontiveros ang aniya’y patuloy na paglaki ng kita ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) gayong palpak ito na panatilihin ang “brownout-free” na operasyon ng grid lalo na sa Luzon.

Hiniling ng senadora sa Energy Regulatory Commission (ERC) na walang dapat santuhin sa imbestigasyon nito kaugnay sa desisyon ng NGCP na ilagay ang Luzon Grid sa yellow at red alerts na naglagay sa buong bansa sa rotating blackouts.

Giit ni Hontiveros, malaki ang halagang binabayaran ng consumers sa kuryente ngunit taon-taon namang namomroblema sa paulit-ulit na brownout habang ang NGCP na patuloy ang paglaki ng kita ay puro sablay ang serbisyo.


Aniya, ang mataas na kita ay para sana sa upgrade at modernisasyon ng transmission infrastructures upang mas maging matatag at maaasahan ang NGCP.

Panahon na aniya para papanagutin ang NGCP sa hindi nito pagtupad ng tungkulin para sa maayos na serbisyo sa publiko.

Tinukoy pa ng senadora na sa mga nagdaang pagdinig ng Senado ay nangako ang mga kinatawan ng NGCP sa mga mambabatas na magpapatupad sila ng mga mahahalagang reporma na makakatulong para tugunan ang iba’t ibang problema na nagiging sanhi ng forced outages at rotating blackouts sa bansa.

Facebook Comments