
Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang patuloy na pagpapatupad ng malalaking reporma sa sektor ng agrikultura upang maibsan ang hirap ng mga benepisyaryo ng agraryong reporma at tuluyang mapagaan ang kanilang kabuhayan.
Sa kanyang talumpati sa 2025 Gawad Agraryo, iniulat ng pangulo na halos 70,000 Certificates of Land Ownership Award (CLOA) na ang naipamahagi ng pamahalaan.
Patunay aniya ito na ang mga lupang matagal nang inaalagaan ng mga magsasaka ay tuluyan nang napunta sa kanilang pagmamay-ari.
Kasabay nito, ipinaabot din ng pangulo na libo-libong magsasaka na ang nakatanggap ng Certificates of Condonation with Release of Mortgages, na nagbigay ng kalayaan mula sa pagkakautang sa gobyerno.
Dahil dito, maaari na aniyang ilaan ng mga magsasaka ang perang sana’y pambayad-utang sa pagbili ng mga binhi, makabagong makinarya, at iba pang pangangailangan para sa mas maayos na pamumuhay ng kanilang pamilya.
Tiniyak din nito ang walang patid na suporta sa mga magsasaka mula sa lupang kanilang sinasaka hanggang sa makabagong teknolohiyang gagamitin upang mapalago ang kanilang ani.









