Iginiit ni AAMBIS-OWA Party-list Rep. Sharon Garin na economic sabotage ang patuloy na pagpupuslit ng mga agricultural products sa bansa.
Katunayan aniya, sinabi ng La Trinidad Vegetables Traders na aabot sa ₱2.5 million kada araw ang nawawalang kita ng local farmers dahil sa carrot smuggling.
Aniya, economic sabotage itong maituturing lalo’t pinakaapektado ng problemang ito ang kabuhayan ng mga lokal na magsasaka na hindi pa nakakabangon dulot ng epekto ng pandemya at mga kalamidad.
Dagdag pa ng kinatawan, nagsisimula pa lang bumangon ang ekonomiya ng bansa mula sa lockdown at hindi aniya matutulungan ang mga magsasaka kung patuloy na mawawala ang kanilang kita dahil sa smuggled products.
Dahil dito, kaisa ang mambabatas sa pagsasagawa ng agaran at masinsinang imbestigasyon sa nagaganap na agricultural smuggling sa bansa.