Tiniyak ni Justice Secretary Menardo Guevarra na iimbestigahan ng Department of Justice (DOJ) ang sinasabing isang Chinese national na kasalukuyang nakakulong sa New Bilibid Prisons ang patuloy na nakakapag-supply ng shabu sa labas.
Kasunod ito ng pagkakakumpiska ng pulisya ng sampung kilo ng shabu sa buy-bust operation sa Dasmariñas City, Cavite na nagkakahalaga ng 68-million pesos
Sa nasabing operasyon, naaresto si Michael Lucas alyas “Boy Muslim”.
Kaugnay nito ay kinumpirma mismo ni Philippine National Police Chief Police General Debold Sinas na ang suspek ay miyembro ng bigtime drug syndicate na nag-o-operate sa Region 3, National Capital Region, Mindanao, at mga karatig-lalawigan.
Umamin din aniya ito na kinukuha niya ang suplay ng iligal na droga sa isang Chinese national na nakakulong sa NBP sa Muntinlupa.
Ayon kay Sec. Guevarra, hinihintay rin ng Department of Justice na tukuyin ni Boy Muslim ang sinasabi niyang Chinese na kanyang supplier ng droga at matapos niyan ay agad na sisimulan ng DOJ ang imbestigasyon.