Patuloy na pagsusulong sa poverty reduction programs ng Marcos administration, tiniyak ng Kamara

Tiniyak ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez, na patuloy na susuportahan at popondohan ng House of Representatives ang mga programa ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. na layuning mapabuti ang kalagayan ng milyong-milyong mahihirap na Pilipino.

Pangunahing binanggit ni Romualdez ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program, Assistance to Individuals in Crisis Situation, TUPAD (Tulong Panghanapbuhay sa ating Disadvantaged/Displaced Workers), libreng pag-aaral sa kolehiyo, libreng health insurance, at pagbibigay ng cash subsidy.

Pahayag ito ni Romualdez, kasunod ng report ng Philippine Statistics Authority (PSA) na bumaba sa 22.4% ang poverty incident sa bansa sa unang semestre ng 2023 na nangangahulugang nabawasan ng halos 900,000 ang mga maralitang Pilipino.


Ayon kay Romualdez, bukod sa pagsuporta sa mga programa ng administrasyong Marcos ay mayroon ding inisyatiba ang liderato ng Kamara, mga mambabatas, at lokal na pamahalaan upang matulungan ang mga mahihirap na pamilya.

Tinukoy ni Romualdez ang inilungsad ng Kamara na CARD (Cash Assistance and Rice Distribution) Program, kung saan ang mga benepisyaryo ay binigyan ng tig-₱2,000 ayuda na binubuo ng ₱950 o 25 kilong bigas at ang natitira ay pambili ng ulam.

Sabi Romualdez, nakatakda namang ilunsad sa susunod na taon ang isang rice voucher program na tutulong sa 28 milyong mahihirap na pamilya na makabili ng bigas.

Facebook Comments