Patuloy na pagsweldo ng mga mambabatas na hindi pumapasok sa trabaho, kinwestyon ng isang kongresista

Kinwestyon ni kamanggagawa Partylist Rep. Elijah “Eli” San Fernando ang patuloy na pagsweldo ng ilang mambabatas at halal na opisyal sa bansa kahit hindi sila pumapasok sa trabaho.

Pangunahing inihalimbawa ni San Fernando si Senator Ronald “Bato” dela Rosa na hindi na pumasok sa Senado simula ng umugong ang balita na may arrest warrant sa kanya ang International Criminal Court o ICC.

Nakakagalit para kay San Fernando ang hindi makatwiran at hindi patas na pagpapatupad ng “No Work, No Pay” policy sa mga ordinaryong manggagawa habang ang mga congressman at mga senador na hindi gumaganap sa kanilang trabaho ay nakukuha pang buo ang sahod nila.

Diin ni San Fernando, bilang halal na opisyal, kesyo senador o congressman, ay dapat awtomatikong pumapasok sa trababo lalo’t ang nagpapasahod sa kanila ay mga manggagawa at ordinaryong Pilipino.

Babala ni San Fernando, ang ganitong gawain ng mga halal na opsiyal ay lalong nagpapatindi sa galit at kawalan ng tiwala ng taumbayan sa mga institusyon ng gobyerno.

Facebook Comments