Binatikos ng ilang grupo si Isabela Governor Rodito Albano sa patuloy na pagtanggi nito na wala nang illegal logging at illegal mining activities sa Isabela kahit pa una nang umamin dito si Cagayan Governor Manuel Mamba.
Ayon kay Alyansa Tigil Muna (ATM) National Coordinator Jaybee Garganera, maraming circumstancial at accounts mismo ng mga residente na magpapatunay na hindi natigil ang illegal mining at logging sa lalawigan.
Giit ni Garganera, kung makapagsasagawa lamang ng aerial survey ay makikita ang massive deforestatation at ang presensya ng mga heavy equipment na nagsasagawa ng quarrying at mining sa Isabela gayundin sa Cagayan.
Ganito rin ang pahayag ni Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) President Danilo Ramos, kung saan sinabi nitong nakalulusot pa rin ang mga illegal loggers at miners dahil sa pagkunsinti ng lokal na pamahalaan.
Aminado si Mamba na may tatlong alkalde na may kasabwat na uniformed personnel ang sangkot at protektor ng illegal logging sa Cagayan pero tumanggi naman ang opisyal na pangalanan ang mga ito.
Una nang inamin ni Presidential Spokesperson Harry Roque na nagkaroon ng lapses sa enforcement kaya hindi napipiglan ang illegal mining at logging activities sa Isabela at Cagayan.
Tiniyak naman ni Roque na sa oras na matapos ang imbestigasyong ginagawa ng DENR at DILG ay may mga mananagot na sangkot sa ganitong illegal na gawain.