Patuloy na pagtatrabaho ng mga taga-DFA, kinilala ni PBBM sa kanilang anibersaryo

Pinuri ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang mga empleyado at opisyal ng Department of Foreign Affairs o DFA kaugnay ng pagdiriwang ng kanilang ika-125 anibersaryo kahapon.

Sa talumpati ni Pangulong Marcos, inihayag nitong saksi siya kung paano magtrabaho ang mga taga-DFA na aniya’y tahimik lamang na gumagawa sa background.

Sa mga naging pagsama aniya niya sa kanyang ina na si dating First Lady Imelda Marcos sa paglalakbay ay alam niya kung gaano ka-propesyunal ang mga taga-DFA.


Nakita raw ng pangulo kung paano maghanda ang mga ito sa bawat biyahe at kita niya kung gaano kapropesyunal na ginagampanan ang kanilang trabaho.

Pinasalamatan rin ng pangulo ang mga taga-DFA sa kanilang walang sawang pagtatrabaho at kasanayan na sa bawat biyahe ay kasama sila sa tagumpay.

Lahat aniya ng legwork ay ginagawa ng mga taga ahensiya kasama na ang pagbibigay ng briefing sa kanya para sa maayos na takbo ng kanyang magiging trabaho lalo na sa mga out of the country trips.

Facebook Comments