Patunay ng kakayahang mamuno sa bansa, naipakita na ni VP Robredo

Nagbunyi ang opposition senators sa pagtakbo ni Vice President Leni Robredo sa pagkapangulo sa 2022 elections.

Ayon kay Senator Kiko Pangilinan, dapat maging pangulo si Robredo dahil ‘da best’ na pinuno ang kailangan ng mga Pilipino.

Pinagyabang pa ni Pangilinan na kahit walang masyadong pondo ay umaapaw na tulong at gawa, lalo na ngayong pandemya ang naibigay ni Robredo.


Sabi naman ni Senator Risa Hontiveros, dahil sa pagkandidato ni Robredo, ang election sa susunod na taon ay naging labanan sa pagitan ng tagapagtanggol ng demokrasya at mga anak ng dati at kasalukuyang diktador.

Sabi ni Hontiveros, mayroon na ngayong mamumuno para matuldukan ang kalupitan, at magpawagian ang laban kontra pandemya at bagsak na ekonomiya at ligtas tayong maibalik sa landas tungo sa demokrasya.

Giit naman ni Senator Leila De Lima, ang desisyon ni VP Leni ay simula ng pag-asa at pag-asam ng marami para sa isang mabuting liderato sa susunod na anim na taon.

Diin ni De Lima, si VP Leni ay may tapang, galing, sipag at pagkalinga sa kapwa, sa bansa at sa Pilipino, lalo na ang mga nasa laylayan ng ating lipunan.

Para kay De Lima, si VP Leni ang may pinakamalinaw na pananaw, mabuting puso, malinaw na pag-iisip, at mahusay na katangian para akayin ang bansa sa maliwanag na kinabukasan mula sa dinadanas nating bangungot sa loob ng limang taon.

Facebook Comments