Patung-patong na kasong isinampa laban sa mga miyembro ng oposisyon, ‘kwentong kutsero’ lang

Manila, Philippines – Tinawag na ‘kwentong kutsero’ ng kampo ni Vice President Leni Robredo ang ibinibintang na ‘Project Sodoma’ ni Peter Joemel Advincula alyas ‘Bikoy’.

Kasunod ito ng patung-patong na kasong isinampa ng PNP-CIDG laban kay Robredo at 44 na iba pa na umano’y sangkot sa pagpapabagsak kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon sa tagapagsalita ni Robredo na si Atty. Barry Gutierrez – hindi pa nila natatanggap ang kopya ng reklamo.


Pero aniya, walang basehan at gawa-gawa lang ang kwento na pilit ginagawang batayan ng kaso.

Kabilang sa mga kasong isinampa kay Robredo sa DOJ ay inciting to sedition, libel, cyberlibel, estafa, harbouring a criminal at obstruction of justice.

Ganito rin ang isinampa kina Senators Leila De Lima, Risa Hontiveros, dating Senador Bam Aquino, Antonio Trillanes IV, ilan sa mga naging kandidato ng Otso Diretso, ilang taga-simbahan, Integrated Bar of the Philippines (IBP) at si dating Supreme Court Spokesman Teodore Te.

Ayon naman kay DOJ Secretary Menardo Guevarra – bubuo sila ng panel ng state prosecutors na didinig sa reklamo at magsasagawa ng paunang imbestigasyon.

Facebook Comments