Nakikipag-ugnayan na ang Bureau of Immigration (BI) sa Indonesian authorities upang agad mapabalik sa Pilipinas ang sinibak na alkalde ng Bamban na si Alice Guo.
Kasunod ito ng pagkakaaresto kaninang madaling araw kay Guo sa Tangerang City sa Indonesia.
Kaugnay nito, tiniyak din ng Department of Justice (DOJ) na haharapin ni Guo ang lahat ng mga reklamo at kasong nakabinbin laban sa kanya.
May arrest warrant si Guo sa Senado dahil sa hindi nito pagsipot sa mga pagdinig kaugnay sa iligal na POGO.
Nahaharap din siya sa reklamong graft and corruption sa Office of the Ombudsman dahilan upang masibak siya sa pwesto bilang alkalde.
Mayroon ding kinakaharap si Guo na reklamong qualified human trafficking, tax evasion, at money laundering.
Habang may kaso rin si Guo sa Commission on Elections (COMELEC) dahil sa material misrepresentation at may kinakaharap pang Quo Warranto petition mula sa Office of the Solicitor General dahil sa kuwestyunableng citizenship.