Ang Resolusyon sa mababang kapulungan ay naglalaman ng lumang isyu na dati nang naipaliwanag ng PhilHealth. Gaya ng nauna nitong pahayag, mariing pinabubulaanan ng PhilHealth ang paratang ng PHAPi na 300 o higit pang ospital ang nanganganib na magsara dahil sa pagkaantala ng bayad nito.
Ang Korporasyon ay nakapagbayad na ng Php 114.6 at Php 97.4 bilyon noong 2018 at 2019 batay sa petsa ng claims kada taon. Ngayong 2020, ang PhilHealth ay nakapaglabas na ng mahigit sa Php 43 bilyon, kung saan Php 24.5 bilyon o 56.8 porsyento nito ay sa mga pribadong ospital.
Samantala, ang PhilHealth ay nagbayad sa University of Sto. Tomas Hospital (USTH) ng aabot sa Php 400 milyon nuong 2019 hanggang Mayo 2020, at kamakailan lamang ay nagpaunang bayad na ng Php 85 milyon bilang COVID-19 response. Sa sulat ng USTH na may petsang Mayo 5, 2020 kasalukuyan silang nagre-reconcile ng claims records sa PhilHealth.
Marami ang naapektuhan dahil sa pandemya, kabilang na ang mga ospital dahil sa mababang patient admissions bunga ng takot sa COVID. Gayunpaman, hindi marapat na iugnay ito sa isyu ng pagbabayad ng claims sukdulang ungkatin ang lumang isyu na seryoso nang tinutugunan ng ahensya.
Ang PhilHealth ay patuloy sa pagpapabuti ng proseso nito para makapagbayad ng claims sa loob ng 60 araw ayon sa batas. Kabilang dito ang e-Claims system, paggamit ng cloud platform upang agad maipabatid sa mga ospital kung ang claim ay hindi pumasa sa unang validation test, at pagtalaga ng reconciliation officers para sa reconciliation ng claims records na siyang pinagkasunduan kasama ang PHAPi sa pagpupulong kasama si Sen. Christopher Lawrence Go noong 2019.
Ang PhilHealth ay nananawagan sa mga ospital na patuloy na makipag-ugnayan sa mga regional offices nito upang mag-reconcile ng records at maging updated sa kanilang claims.