Idinaos ngayong Lunes ang preliminary investigation ng Department of Justice (DOJ) kaugnay sa reklamong malicious mischief na inihain ni dating Pangulong Rodrigo Duterte laban kay dating Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos at ilang opisyal ng Philippine National Police.
Kaugnay ito sa operasyon ng Philippine National Police (PNP) sa Kingdom of Jesus Christ (KOJC) compound sa Davao City sa kasagsagan ng pagtugis sa kanilang lider na si Pastor Apollo Quiboloy.
Ayon sa abogado ni Quiboloy na si Atty. Israelito Torreon, ihahain sa December 16 ang sagot ni Duterte laban sa isinumiteng counter-affidavit ni Abalos.
Kasabay nito ay ihahain nila ang reply affidavit ni dating Pang. Rodrigo Duterte laban naman sa counter-affidavit ni dating DILG Sec. Benhur Abalos, Jr. sa hiwalay na kaso.
Samantala, kinumpirma rin ni Torreon na muling isasalang sa imbestigasyon mg DOJ ang ilang reklamo laban sa ilang KOJC officials.
Ito ay makaraan namang muling ihain ng PNP-CIDG ang mga reklamo laban sa ilang lider ng KOJC na una nang ibinasura ng Davao Prosecutor’s Office.
Kabilang na dito ang illegal assembly, obstruction of justice, at resistance and disobedience to authority.