Iginiit ni Committee on Labor Chairman Senator Joel Villanueva sa Department of Trade and Industry (DTI) na madaliin ang pagproseso sa mga pautang para sa mga Micro, Small and Medium Enterprises o MSMEs.
Ayon kay Villanueva, ito ay para matiyak na hindi sila papalya sa pagbibigay ng 13th month pay sa kanilang mga empleyado.
Sabi ni Villanueva, sa ilalim ng Bayanihan to Recover As One Act o Bayanihan 2 ay may 10 bilyong pisong inilaan pandagdag sa pondo para sa small business corporation.
Layunin aniya nito na mapalawak ang pagpapautang sa mga MSMEs na lubhang naapektuhan ng pandemic at kasama sa probisyon ng Bayanihan 2 sa pagpapautang ay ang commitment na panatilihin ang trabaho ng kanilang mga manggagawa.
Nanindigan naman si Senator Christopher Bong Go na dapat ibigay ang 13th month pay ng mga manggagawa sa tamang panahon lalo’t marami sa mga ito ang labis na naghihirap ngayon dahil sa COVID-19 pandemic.
Diin ni Go, dapat tulungan ng gobyerno ang mga malilit na negosyo na makaahon upang mas maalagaan nila ang kanilang mga empleyado at hindi maapektuhan o mahinto ang mga benepisyo na itinatakda ng batas.
Pahayag ito ni Villanueva at Go makaraang sabihin ng Department of Labor and Employment (DOLE) na pinag-aaralan nito na payagang ipagpaliban o hindi ibigay ang 13th month pay ng mga manggagawa dahil maraming negosyo ang pinipilit na makaagapay sa krisis.