Pautang program para sa maliliit na negosyo sa turismo, inilunsad ng pamahalaan

Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pamamahagi ng unang batch ng Turismo Asenso Loan Program para sa mga maliliit na negosyong apektado ng pandemya.

Layon ng programa na tulungan ang micro, small, at medium enterprises (MSMEs) sa sektor ng turismo sa pamamagitan ng mababang interes na pautang.

Ayon sa pangulo, makatutulong ito para mapalawak ang operasyon, mapaganda ang serbisyo, at higit sa lahat, mapanatili at makalikha ng mas maraming trabaho.

Nasa ₱150,000 hanggang ₱1 milyon ang naipamigay na loan assistance mula sa Small Business Corporation (SBCorp) sa unang batch ng mga benepisyaryo.

Kasama rito ang siyam na MSMEs mula NCR at Region 4A.

Maaaring umutang ng hanggang ₱20 milyon ang mga kwalipikadong negosyo depende sa kanilang track record, sa ilalim ng tatlong sub-loan programs na micro multi-purpose borrowers, first-time borrowers, at suki o mga dati nang nakautang sa SBCorp.

May interes na 1% kada buwan ang pautang at maaaring bayaran sa loob ng tatlo hanggang limang taon, depende sa halaga ng loan.

Facebook Comments