Aksidenteng nalambat ng mga mangingisda sa Sitio Dalapian, Barangay Labasan, Bongabong, Oriental Mindoro ang isang pawikan o sea turtle.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) MIMAROPA Spokesperson Police Lieutenant Colonel Imelda Tolentino, inireport ng dalawang mangingisda na sina Arnel Detores at Mario Arellano ang aksidenteng pagkakahuli nila sa pawikan sa 2nd Provincial Mobile Force Company (PMFC) noong gabi ng June 12, 2020.
Agad nakipag-ugnayan ang 2nd PMFC sa Oriental Mindoro Police Provincial Office, Bongabong Municipal Police Station at local Department of Environment and Natural Resources (DENR) para sa gagawin sa pawikan.
Kaya nang gabi rin ng June 12, 2020, Araw ng Kalayaan, pinalaya rin ng mga pulis at mga mangingisda ang malaking pawikan na may tag number PH1641L sa karagatan.
Sinabi ni Police Lt. Col. Arvin Fabro, ang Force Commander ng PMFC, na ang kanilang mabilis na aksyon sa pagtiyak ng kaligtasan ng mga endangered species ay bahagi lang ng core values ng PNP na pagiging “makakalikasan”.