PAWS, iginiit ang mas mahigpit na panuntunan ng DENR sa pag-alaga ng wild animals

Hiniling ng Philippine Animal Welfare Society (PAWS) sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang mas mahigpit na panuntunan sa pagbibigay ng permit sa mga nais mag-alaga ng wild animals o mga hindi pangkaraniwang hayop.

Sa isang liham, pinasisilip ni Anna Cabrera, Executive Director ng PAWS, kay DENR Asst. Sec. Ricardo Calderon kung ang isang indibidwal o grupo ay may financial capability para mabigyan ng maayos na pagkain at matiyak ang kalusugan ng mga inaalagaan nilang hayop.

Ang apelang ito ng PAWS ay kasunod na rin ng insidente ng nakawalang ostrich sa Quezon City noong Martes kung saan napansin nilang payat na payat ang nasabing hayop at tila hindi maayos ang kalusugan.


Hiningi rin ng grupo sa DENR na mabigyan sila ng impormasyon kaugnay sa pagkakakilanlan ng nagmamay-ari ng ostrich, beterenaryong nag-aalaga nito para masampahan nila ng kaso sakaling mapatunayan nilang may pagkukulang ang mga ito at kawalan ng permiso.

Tiniyak naman ni DENR Usec. Benny Antiporda na may gagawing legal na hakbang ang ahensya laban sa may-ari ng nakawalang ostrich.

Facebook Comments