Manila, Philippines – Nagpaalala ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga employer ng pribadong sektor na ipatupad ang tamang pagpapasahod sa mga manggagawang magtatrabaho sa mga deklaradong holiday ngayong Disyembre.
Ayon kay DOLE Secretary Silvestre Bello III – ang December 24 at 31 ay special non-working holiday habang ang December 25 at 30 ay regular holiday.
Base sa abiso ng DOLE, ang sumusunod na pay rules ay dapat ipatupad:
– Kung ang empleyado ay hindi pumasok, iiral ang ‘no work, no pay’ policy maliban na lamang kung mayroong company policy, practice o collective bargaining agreement (CBA).
– Sa mga papasok sa regular holiday, babarayan ang empleyado ng 200% ng kanyang daily rate sa unang walong oras ng trabaho.
– Kapag tumama sa day-off ang regular holiday at pumasok ang empleyado ay babayaran ito ng 30% ng kanyang daily rate sa unang walong oras ng trabaho.
– Sa mga papasok sa special non-working holiday, babayaran ang empleyado ng dagdag 30% sa kanyang daily rate sa unang walong oras ng trabaho
– Sakali namang tumama sa day-off ang special non-working holiday at pumasok ang empleyado ay babayaran ito ng 50% ng kanyang daily rate sa unang walong oras ng trabaho.
– Kapag nag-overtime o lumampas sa walong oras ang trabaho, may dagdag na 30% hourly rate.