Walang problema sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na kanselahin ang lahat ng license to operate ng mga casino sa isla ng Boracay.
Ito ay kasunod na rin ng hiling ng Boracay Interagency Task Force at lalo na ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Special Assistant to the PAGCOR Chairperson and Chief Executive Officer Jose Tria Jr. – agad nilang ipinag-utos ang pagsasara sa mga Boracay casino matapos nilang matanggap ang letter-request ng Boracay Interagency Task Force.
Aniya, mayroon lamang dalawang casino sa Boracay ang binigyan ng lisensya ng PAGCOR – ang planong casino ng Galaxy Entertainment Group at ang Alpha Allied Holdings, na siyang nagpapatakbo ng casino sa loob ng Movenpick Boracay.
Sinabi ni Tria na naglabas na ang PAGCOR ng shutdown order sa casino ng Alpha Allied.
Iginiit ni Tria – utos ito ng Pangulong Duterte at ayaw niyang magkaroon ng gaming sa Boracay.
Nakatakda ang re-opening ng Boracay sa October 26.