Payapa at maaayos na selebrasyon ng Chinese New Year, sinisiguro ng MPD at NCRPO

Nakipag-ugnayan ang National Capital Region Police Office (NCRPO) sa Manila Police District (MPD) hinggil sa seguridad sa selebrasyon ng Chinese New Year sa Biyernes, February 12.

Nais kasi ni NCRPO Chief Police Major General Vicente Danao Jr. na mabantayan ang mga lugar na pagdarausan ng selebrasyon partikular ang bahagi ng Binondo.

Maglalatag ng mga checkpoint ang MPD habang magdadagdag din sila ng mga tauhan sa ilang bahagi ng lungsod ng Maynila para maging maayos at payapa ang selebrasyon ng Chinese New Year.


Mag-iikot din ang kanilang tauhan sa China Town para masigurong masusunod ang inilatag na health protocols.

Umaasa ang MPD na walang magiging problema sa araw ng selebrasyon ng Chinese New Year at ang seguridad na kanilang inilatag ay katulad sa Pista ng Poong Itim na Nazareno sa Quiapo at Pista ng Sto. Niño sa Tondo.

Muli namang paalala ng NCRPO at MPD na bawal ang pagpapaputok sa selebrasyon ng Chinese New Year at may mga itinalagang lugar kung saan maaaring magsagawa ng pyrotechnics.

Facebook Comments