Payola sa LTO, kinumpirma ni LTO Chief Markus Lacanilao

Kinumpirma mismo ni Land Transportation Office (LTO) Chief Asec. Markus Lacanilao na tumatanggap ng payola ang ilan nilang tauhan.

Ayon kay Lacanilao, sinibak na nila sa puwesto ang dalawa nilang empleyado at isang guwardiya na nanghihingi umano ng cash sa mga jeepney driver.

Mayroon din aniya silang dalawang regional director na kinasuhan sa Ombudsman matapos umanong manghingi ng buwanang payola sa mga transport group.

Bagama’t may rekomendasyon na silang sibakin ang mga opisyal na ito, idinaan muna ng Department of Transportation (DOTr) sa tamang proseso ang lahat bago sila tanggalin sa puwesto.

Aminado si Lacanilao na mahirap masugpo ang ganitong gawain sa ahensya lalo na’t mayroon silang mahigit 8,000 tauhan.

Dahil dito, hinikayat niya ang publiko at mga transport group na makipagtulungan sa LTO upang maimbestigahan ang mga tiwaling empleyado.

Aniya, bukas sila sa imbestigasyon at reporma sa LTO, kaya’t mahalaga ang papel ng taumbayan.

Facebook Comments