Tiniyak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na ipapamahagi ang second wave ng cash subsidy sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP) sa National Capital Region (NCR) sa mga susunod na araw.
Ayon kay DSWD Undersecretary Rene Glen Paje, maliban sa Cordillera Administrative Region (CAR) ay umaasa silang maipapamahagi ang second tranche ng emergency subsidy sa iba pang rehiyon sa bansa.
Sisimulan ang pamamahagi ng subsidy sa mga pamilyang nakatira sa loob ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) areas tulad ng Cebu City.
Sinabi ni DSWD Assistant Secretary for Policy and Plans Joseline Niwane, nasa 17 milyong pamilya ang inaasahang makakatanggap ng second tranche ng cash aid kabilang ang limang milyong “waitlisted” beneficiaries.
Tinatayang nasa ₱211 billion na halagang cash aid ang ipapamahagi sa first at second phase ng SAP.
Sakop ng ikalawang phase ng SAP ang Central Luzon (maliban sa Aurora Province), NCR, CALABARZON, Benguet, Pangasinan, Iloilo, Cebu Province, Bacolod City, Davao City, Albay Province at Zamboanga City.