Manila, Philippines – Kung gaano kahigpit ang labanan ng defending champion San Miguel Beer at Barangay Ginebra para sa kampeonato ng PBA Commissioner’s Cup, dikitan din ang kompetisyon sa pagitan ng Alab Pilipinas teammates na sina Justin Brownlee at Renaldo Balkman para sa Best Import Award.
Lamang si Brownlee, na naglalaro sa Gin Kings, sa statistical points sa kaniyang 54.46 points.
Hindi naman nalalayo si Balkman, na import naman ng SMB, sa kaniyang 51.03 statistical points.
Kung sa Best Import Award ay walang itulak kabigin, lamang na lamang naman sa Best Player of the Conference Award si June Mar Fajardo.
May 39.12 statistical points ang reigning at four-time league MVP.
Nasa pangalawang puwesto naman si Global Port guard Stanley Pringle na may 36.08 statistical points at pangatlo naman si Alaska Aces enforcer Vic Manuel na may 35.44 statistical points.
Pero tanging si Fajardo lamang ang pasok sa finals kaya hindi na makakahabol pa sina Pringle at Manuel sa statistical race.