Manila, Philippines – Kahit hindi pa tapos ang bakbakan ng defending champion San Miguel Beermen at ng Magnolia Hotshots para sa kampeonato ng Philippine Cup, tiyak na makakagawa na naman ng kasaysayan si June Mar Fajardo.
Inaasahan kasi na ang four-time reigning most valuable player ng PBA ang makakakuha ng Best Player of the Conference (BPC).
Kung saka-sakali ito ang ikaanim na BPC award ni Fajardo at malalagpasan na niya ang isa pang alamat ng SMB na si Danny Ildefonso sa may pinakamaraming BPC accolade ng PBA.
Kasalukuyang tabla sa tig-limang BPC sina Fajardo at Ildefonso.
Kahit masaya at malaki ang pasasalamat sa pagkilala sa kaniyang ipinakita, sinabi ni Fajardo na mas importante sa kaniya na muling makuha ng SMB ang titulo sa Philippine cup at pangalawa na lamang kung may makuha siyang award.