Kinumpirma ng Philippine Basketball Association (PBA) na simula sa Martes, November 3, ay muling magbabalik ang kanilang mga laro sa 2020 Philippine Cup Clark Bubble sa Pampanga.
Ito’y matapos makansela ang lahat ng mga laro ng PBA noong Biyernes bilang pagsunod sa rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Disease (IATF-EID) Technical Working Group at ng Department of Health (DOH).
Ayon sa PBA, nagdesisyon muna sila na suspendihin ang mga laro hangga’t walang inilababas na bagong protocols na imumungkahi ng IATF at ng DOH matapos ang isang game official at isang manlalaro sa loob ng bubble ang naging suspected cases ng COVID-19.
Dagdag pa ng PBA, ang bagong protocols ay ang pagkumpleto ng 10-day isolation ng blackwater player mula sa araw na na-swab test ito bago bumalik sa laro; pagkumpleto ng 14-day quarantine at testing bago pumasok sa bubble sa mga magpopositibo bago sumalang sa laro; at paglalagay ng independent marshall na magbabantay at magsisiguro na masusunod ang health and safety protocols na inirekomenda ng Department of the Interior and Local Government (DILG).
Magkakaroon din ang liga sa tulong ng Clark Development Corporation ng hiwalay na temporary quarantine facility sa loob ng Clark Freeport Zone.